BANGHAY ARALIN SA FILIPINO 2
Sa katapusan ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
a. naibibigay ang kanilang reaksyon tungkol sa nabasang teksto;
b. natutukoy ang tatlong aspeto ng pandiwa sa mga halimbawang naibigay;
c.at nakasusulat ng sanaysay gamit ang tatlong aspeto ng pandiwa.
II.PAKSANG-ARALIN
Sa aking Pagtanda
Aspeto ng pandiwa
KAGAMITAN
Laptop
Projector
SANGGUNIAN
Hiyas Ng Filipino 2
http://www.russelcp.com/life/sa-aking-pagtanda-a-letter-by-fr-ariel-robles/
III. PAMAMARAAN
1. PAGGANYAK
Obserbahan ang dalawang larawang nasa presentation. Ano ang napansin ninyo sa unang larawan? Ano naman sa pangalawa?
2. PAGLALAHAD
Mayroon kayong babasahing isang liham na sinulat ni Fr. Ariel Robles na naka slide show presentation. Unawain ninyong mabuti para masagot ang mga katanungan mamaya. Narito ang mga tanong:
Para kanino ang mensahe?
Ano ang tono ng liham na nabasa?
Ano ang inyong naramdaman matapos ninyong mabasa ang liham?
Anu ano ang mga linya sa liham ang umantig sa inyong kalooban?Bakit?
Nararapat lang ba na tumanaw tayo ng utang na loob sa ating mga magulang?Bakit?
SA AKING PAGTANDA
Sa aking pagtanda unawain mo sana ako at pagpasensiyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay makabasag ako ng pinggan at makatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan.
Maramdamin ang isang matanda. Naaawa ako sa sarili ko sa tuwing sinisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong tawaging bingi. Pakiulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang. Pasensiya ka na anak,matanda na talaga ako.
Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo katulad ng
pag-aalalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pang lumakad.
Pagpasensiyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo na lang ako.Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.
Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo iyong sasabihin.Maghapon kang mangungulit hangga’t hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensiyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda,amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan.
Natatandaan mo pa ba noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo. Pagpasensiyahan mo sana kung madalas, ako ay masungit, dala na marahil ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.
Kapag may konti kang panahon,Magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.Inip na ako sa bahay. Maghapong nag-iisa.Walang kausap. Alam kong abala ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.
Natatandaan mo anak noong bata ka pa?Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.
At kapag dumating ang sandali na ako ay magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.
Pagpasensiyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan. Pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman na ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw,hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na Lumikha,ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana…….dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina.
3. PAGTALAKAY
Sino ang nagsasalita sa liham?
Para kanino ang mensahe?
Ano ang tono ng liham na nabasa?
Ano ang inyong naramdaman matapos ninyong mabasa ang liham?
Anu ano ang mga linya sa liham ang umantig sa inyong kalooban?Bakit?
PANGKATANG GAWAIN
Sa unang grupo,bilang isang anak, sumulat ng isang liham bilang tugon sa nabasang liham. Gawin ito sa loob ng walong minute. Isulat sa buong papel at babasahin mamaya ng isa ninyong kagrupo ang inyong ginawa.
Sa ikalawang grupo, anu-ano ang mga bagay na gagawin ninyo para sa inyong mga magulang? Magbigay ng limang sitwasyon na nagpapatunay sa inyong mga sagot. Isulat ang sagot sa general/principle diagram.
Sa ikatlong grupo,gumawa ng islogan na kumukumbinsi sa kapwa ninyo kabataan para alagaang mabuti ang kanilang mga magulang. Gawin ito sa Illustration Board sa loob ng walong minuto.
MGA PAMANTAYAN:
Unang Pangkat Ikalawang Pangkat Ikatlong Pangkat
Nilalaman -5 Halimbawa -5 Nilalaman -5
Kaayusan -5 Makatotohanan -5 Kalkinisan -5
Deliberasyon -5 Deliberasyon -5 May sukat at Tugma -5
KABUUAN -15 KABUUAN -15 KABUUAN -15
4. PAGLALAHAT
Nararapat lang ba na tumanaw tayo ng utang na loob sa ating mga magulang?Bakit?
5. PAGSASANIB
May mga salitang nakalagay rito. Obserbahan ninyong mabuti. Ano ang napansin ninyo sa SET A?sa Set B? sa Set c? Ano ang tawag sa mga salitang ito?
Set A Set B Set C
Lumakad Sinasabi Pagtatawanan
Dumating nag-aaral mangungulit
Sinabi sasabihin
6. PAGSASANAY
Salungguhitan ang mga salitang nagpapakita ng kilos sa mga pangungusap. Tukuyin kung ano ang aspeto ng pandiwa ang mga salitang kilois na sinalungguhitan.
1. Papasok ako sa trabaho mamaya.
2. Hindi siya gumawa ng kanyang takdang aralin kaya siya napagalitan.
3. Marami ang nanonood ng Ina,Kapatid,Anak tuwing gabi.
4. Ako ang nagtanim sa mga halamang iyon.
5. Mapapakain ang nanalong mayor bukas.
6. Palaging pumupunta si Alissa ditto sa bahay.
7. Nagpahayag ng saloobin si Ana tungkol sa mga kumakalat na balita tungkol sa kanya.
8. Naglalaro ang mga bata ng patintero.
9. Nagalit si Mang Tomas sa anak dahil gabi na nang ito ay umuwi.
10. Magtuturo ako balang araw.
7.PAGLALAHAT
Tatlong Aspeto ng Pandiwa
Naganap na- mga salitang kilos na tapos na o naisagawa na
Nagaganap pa lamang- mga salitang kilos na kasaluyang isinasagawa
Magaganap pa lamang- mga salitang kilos na gagawin pa lamang
IV. PAGTATAYA
Ano ang hindi ninyo malilimutang karanasan sa mga buhay ninyo na babaunin ninyo kapag kayo ay matanda na? Bakit iyon?
Gamitin ang tatlong aspeto ng pandiwa sa pagsusulat ng sanaysay. Gawin ito sa loob ng limang minuto.
V. KASUNDUAN
Ano ang pang-uri? Ibigay ang mga kaantasan nito at magbigay ng halimbawa.
No comments:
Post a Comment